Sunday, April 27, 2008

Katorse

Unang Yugto


Alas-singko ng umaga at tumitilaok nanaman ang manok ni Mang Hernan.

Pupungas pungas pang bumangon si Poy. Masakit pa ang katawan mula sa pag kakarga ng mga gulay kagahapon. Pero ganon talaga eh. Walang magagawa kundi bumangon, sa araw-araw nalang na ginawa ng Diyos. Gising-Trabaho-Tulog. Gising-Trabaho-Tulog. Paulit-ulit…pero wala siyang magagawa…wala siyang karapatang magreklamo.


Sa edad na katorse ay mulat na siya sa kahirapan, alam niyang salat silang maganak at siya lang ang kakayod para sa Nanay at kapatid niya. Kung mamasdan siya mula sa likod ay aakalain mong isa nang mama. Napigil na nga yata ng mabibigat na sako ng gulay ang paglaki niya, tuloy panay ang kantyaw sa kaniya ng mga ka-batak na punggok daw siya. Di niya nalang pinagiinintindi, sinasabi nalang niya na “hayaan niyo! Pagtule na ako makikita niyo mas matangkad pa ako sa inyo!


Tuluyan nang nawala ang antok niya nang narinig niya ang pagunat ng kapatid na si Minggay. Kinuha niya ang initan, pinuno ng tubig at isinalang na. Maya-maya pa ay lumabas na si Minggay “gooood morniiing kuya!!” sabay ngisi nito sa kanya. Natawa nalang si Poi sa hitsura ng kapatid; bungi-bungi ang mga ipin pero ngisi parin. “Sira ka talaga, ang aga aga may sapak ka.” “eh bakeht? Cute naman!” habang nakapostura at aale-alembong ang beywang. “may kyut bang bungal? Hahahahhaha” “Bleh!!!” ismid ng nagtataray na si Minggay.


Ika-lawang Yugto


Tumatagak-tak na ang pawis niya sa bigat ng pasan-pasang sako ng patatas. Limang sako pa; Minsan napapaisip siya, saan niya nakukuha ang lakas na bumuhat ng pagkarami-rami at pagkabigat-bigat na mga sako. Apat nalang; Naalala niya ang kapatid niyang si Minggay. `yong kapatid kong `yon…kahit hirap na di pa magsasalita. Kahit inaapi na di parin umiimik. Pag `yon sinaktan nila kahit sino tataluhin ko; Ang Nanay niya nalulong sa rugby. Araw-gabi paghithit ang inaatupag; Dati naman di ganon `yon nagtitinda pa nga `yon ng barbikyu sa may traysikelan simula lang nung iniwan kami ni tatay at sumama sa bugaw ng pink plaminggo dun na nagadik. Si Tatay, hindi…yung demonyo. Tatlo nalang. `yung gagong yun. Iniwan niya kami. Iniwan niya si Nanay para sa huklubang bugaw na `yon! Bakit?? Porke’t mapera at masusunod ang bisyo niya! PUTANGINA NIYA! Dalawa. Gusto kong yumaman. Yung tipong sa sobrang yaman sasambahin ka ng tao…sasambahin ako ni Aling Elsie dahil mababayaran na namin ang lahat ng utang sa tindahan niya, sasambahin ako nung pulis na nagaalaga sa amin dahil palalamunin ko siya ng pera. Tapos t-tapos pagaaralin ko si Minggay dun sa eskwelahan na nakikita ko sa t.b tapos ako rin! Magaaral din ako para walang mangmamata sakin. Magaaral ako at ipapamukha ko sa hayup na `yon na `di namin siya kailangan nila Nanay! Na nagkamali siya nung iniwan niya kami! Isa nalang. Kelan kaya? Kelan kaya?...


Pumunta na siya kay Kabo para kunin ang sweldo niya sa araw na `yon. “Kabo otchenta lang? Baka pwede naman pong dagdagan niyo kahit bente lang naka sampung sako naman po ako ngayon e,” “Sapat na yan.” “Sige na naman ho o,” “Wag ka nang makulit at madami pang nakapila.” “Sige na ho Kabo, ang gwapo pa naman niyo ngayon” “Wag mo na kong bolahin at di yan tatalab sakin.” “Sige kayo Kabo pag nalaman ni Ate Isay na Kuripot kayo baka bastedin kayo nun!” “o siya siya sige na eto singko lang! Sapat na yan!” “Tengkyu Kabo! Da Best ka talaga!” Kumaripas na siya ng takbo at pasimpleng kinuha ang supot ng gulay na kanina pang panaka-naka niyang pinupuno. Ayos nang apat na piso bawat isa! Ayos na ayos may pambili `nakong sakto!


Ikatlong Yugto


Ano kayang mabiling ulam ngayon? Nakarami ako kanina, akalain mong bilin ng ale yung buong supot ko ng trenta'y singko pesos! Dyakpat! Sinuyod niyang maigi ang bangketa dahil doon mura na masarap pa! May tokneneng; paborito ni minggay. Isaw at balun-balunan para kay Nanay. Siya ang paborito niya ay yung tinda ni Aling Nena, pagpag! “Aling Nena pagbilan nga ho ng pagpag! Yung laman ha!” Sabay kindat sa tindera. “Aba Poi mukhang tiba-tiba yata tayo ngayon ah!” hirit ni Nena habang sumasandok ng kanin “Siyempre naman ho!” “O `eto ha! Dinagdagan ko pa yan para sayo malakas ka sakin e!” “Salamat ho Aling Ganda este Nena pala!” “Hay nako Poi nambilog ka nanaman! Sige na at baka inaantay ka na ni Minggay sa inyo!” Karipas nanaman siya ng takbo. “Pano naman ako ganda? Dagdagan mo din tong akin, sige na.” banat ng isang bumibili “Ay nako tigil tigilan mo ako ha! Ibahin mo si Poi kita mo yang batang yan kahit maliit pa’y nagbabanat ng buto! Daig pa kayong mga batugan na walang inatupag kundi magpalaki ng ano!” Ewan nga ba ni Nena pero may kurot sa puso niya tuwing nakikita si Poi.


“Sinong may gusto ng tokneneeeeeng!!” Gulat ni Poi sa kapatid. “Tokneneng kuya? Binili mo ko ng tokneneng?!” Napatalon sa galak si Minggay. “Aba syempre naman mayaman yata ako ngayon!” “Talaga kuya edi mabibili mo na ng ragby si Nanay??” “Tssshhh wag kang maingay kay Nanay! Wag mong sasabihin kundi `di ka na makakabili ng kendi mo mamaya!” “Pero kuya pag di naka-ragby si Nanay sasaktan nanaman tayo nun…” Natigilan si Poi at dumiretso sa tindahan. “Aling Elsie pagbilan nga ho ng limang pisong ragby may ididikit lang” Walang tanong-tanong kinuha ng tindera ang singko at inabot ang ragby, kaya naman pala kasi nanonood ng Wowowee.


Pagdating sa bahay ay inihain na ni Poi ang hapag at inutusan ang kapatid na tawagin na ang Nanay. Lumabas sa kwarto ang Nanay nila, nagpupusod pa ng buhok at halatang kakagising lang. “Wow mukhang masarap ang tanghalian natin ngayon ah!” pilit ang ngiting sinabi ng Nanay. “Opo Nay nakarami si kuya! Tignan niyo o meron pa yung paborito kong kwek-kwek! Pati po Isaw para sa inyo” ganadong sinabi ni Minggay. “Oo nga anak e, eh..Poi..a-ano..b-baka pwedeng.. ano sana anak..ah..b-baka-“ bago pa man matapos ng Nanay ang sasabihin ay pinutol ni Poi “Nay binili ko na po kayo ng rugby nasa ibabaw po ng lamesa.” “S-salamat anak.” Habang nginangasab ni Poi ang biniling pagkain naisip niya; `Di ko alam kung bakit sinasabi nila na marumi daw ang pagpag. Mga tira-tira daw `to na dapat ay sa basurahan, pero sa dami ng nagugutom bakit kaya naiisipan lang nilang itapon ang lahat ng pagkain na `to imbes na hayaang mabulok nalang. Ewan. Basta para sakin paborito ko ito. Masarap ang pagpag.


`Itutuloy~

~Ang Pagpapatuloy~

Ika-apat na yugto

“Kuya!!!! HALIKA!!! Bilisan mo! Mamamatay na ako! Huhuhu!” Madapa-dapa pang tumakbo si Poy papuntang banyo. “Menggai bakit??! Anong nangyari sayo?!” Binuksan ni Menggai ang pinto at humihikbing sinabi “Kuya mamamatay na yata ako…huhuhu” “Ano ngang nangyari? Bakit??” “Tignan mo o..” sabay tumalikod at pinakita ang puwetan “Nagdudugo ako…huhuhu” “Timang! Hindi sugat yan!” tatawa tawang sabi ni Poy. “Eh bakit may dugo? Waaaaahhh” “Tangek ka talaga! Teka nga tatawagin ko si Nanay” Ngingisi-ngisi at iiling-iling na naglakad si Poy “Nanay! Nanaaay! Si Menggai may regla na!” “ANO?!” sambulat ng Nanay. “SI MENGGAI MAY REGLA NA! BWAHAHAHAHAH” di na napigilan ni Poy ang tawa. “Aray” sigaw niya – “Ano ba! Bakit mo ko binato ng tsinelas!” “Bleh! Wag ka kasing tumawa kuya!” pangaasar ng nangingiyak na si Menggai.

“Ibili mo nga ng napkin ang kapatid mo anak,” utos ng Nanay kay Poy. “Ikaw ha, wag mo nang aasarin ang kapatid mo at dalaga na `yon.” Kibit balikat naman siyang sinagot ni Poy “di kaya Nanay – meron bang dalagang bungal?” “Ikaw nga wag mong sasabihin yan, kapatid mo’y pinahihiya mo.” Mabigat ang mga paang tumayo at naglakad si Poy papuntang tindahan ni Aling Elsie. “Aling Elsie napkin nga ho.” Pabatong iniabot ng matanda ang binili niya “Ano lista nanaman ba to? Ay nako mga tao talaga porke’t pinagbibigyan eh umaabuso! Ang kakapal ng mukha! Ang kakapal talaga!” Nang matapos sa pagdadadakdak si Elsie namalayan nalang niyang wala na si Poy, kinuha niya ang otso pesos at ibinato sa kaha sabay hawak sa rosario at ibinulong “Diyos ko, patawarin mo po sila”.

Nang gabing yon ay `di tumabi sa kanya si Menggai. Natulog sa loob sa tabi ng Nanay. Napaisip siya eh kung magpatule na kaya ako? Lumaki pa kaya ako? Bakit ba kasi kailangan pang ganon si Menggai…basta ganon. Sana ganito nalang kami palagi, walang magbabago. Ayokong mawala si Menggai, si Nanay…at sa mga bagay na gumugulo sa kanyang isipan siya’y nahimbing.

Ika-limang Yugto

“Poy! Poy!” Tawag sa kanya ng babae. “Ate Isay! Bakit po?” “Birthdey ko ngayon, punta kayo ni Menggai sa bahay ha. Magluluto ako ng pansit.” Masayang anyaya ni Isay. “Wow Ate Isay! Bigtaym ka talaga!” “Haha – Sira ka talaga Poy. Siyempre naman isang beses isang taon na nga lang yon e. Basta ha, pumunta ka mamaya. Isama mo si Menggai!” “Ay Ate! Isasama ko din si Kabo! Gusto mo?” Nanlaki ang mata ni Isay “Ay nako tigilan mo nga akong bata ka!” “Bakeht ate? Eh crash na crash ka nga non e! Malay mo bilan ka pa ng keyk!” natigilan si Isay “p-Pero kahit na. Baka isipin niyang may pagasa siya sa akin. Wag na.” Iiling-iling si Poy at sinabing “Asus! Si Ate Isay…siguro kasi may dadating na magdadala ng LECHON! Hahaha” Nanlaki ang mga mata ni Isay at nangamula ang muka “Hoy! Ikaw talaga may makarinig sayo! Wag mo ngang idamay ang Kuya Nonoy mo dito” Nangatal si Poy “Naku naman Ate alam mo namang si Kabo ang manok ko!” Malakas na tawa ni Poy. “Magtigil ka na nga at pumunta ka na don! Alam mo namang unahan sa buhat, maunan ka pa.” “Oho oho eto na po!” Malayo na si Poy ay nagpahabol pa si Isay “Poy! Mamaya ha! May pansit ako! Isama mo si Menggai!”

Hapon na nang matapos ang pagdiskarga ng mga gulay, pumila na si Poy “Kabo apir naman tayo dyan!” Walang kibot na nagbibilang ang kabo “O – eto Poy.” “Singkwenta?! Kabo naman…” uungot-ungot si Poy “ O – eh bakit? Anim na sako lang namang ang nabuhat mo ngayon ah!” “Pero Kabo naman…” “Poy alam mo namang mahina tayo ngayon, walang masyadong kargada” Ngumisi si Poy “Sige kayo rin Kabo may alam ako kay Ate Isay hindi ko sasabihin. Sikret!” Biglang nagiba ang tono ng Kabo “Bakit Poy? Anong meron kay Isay?” “Sasabihin ko dagdag muna…hehehe” “O eto sampung piso tama nay an ha! Sobra pa!” “Pero ilibre mo muna ako ng sakto!” “O sige na sige na!” “Yes! Hahahah! Bertdey ni Ate Isay ngayon! Pumunta ka nga daw e! Magpapansit daw siya!” “Talaga sinabi niya yon?” “Siyempre naman! Ikaw pa! Eh crash ka din non e!” “Pano mo naman alam?” “Siyempre ako pa! Wala ka bang bilib sakin!” “Oo na oo na sige na’t bilib na bilib na nga!” “Magdala ka daw ng keyk sabi nia! Yung daw Tsokoleyt!” “Oo ba!” “Yung masarap Kabo ha!” “Ay Puta! Bukas pa ba yung beykeri?!” Sabay karipas ng takbo papalabas ng palengke ang kabo.

Ika-anim na Yugto

“Wow! Ang kyut kyut naman ni Menggai!” Yinakap ni Isay si Menggai at hinaplos haplos ang naka pusod nitong buhok. “Ate Isay na-miss kita!” “Ako din bunso, namiss din kita” Bumaling naman siya kay Poy at ginulo ang buhok nito. “At ang gwapo naman ni kuya ngayon!” “Siyempre naligo! Hahaha” Panguurat ni Menggai.

Masaya silang nagkakainan at nagkakantahan nang biglang nagiba ang timpla ni Isay at pumait ang hitsura. Noo’y kinuha ni Nonoy ang kamay ni Isay at sinabing “Poy, Menggai…may sasabihin kami ng Ate Isay ninyo,” Nagtatakang nagkatinginan ang magkapatid “Poy…Menggai…” nanginginig na salita ni Isay, “Alam niyo naman na simula nang namatay ang Lola kayo na ang tinurin kong pamilya…para ko na rin kayong mga kapatid…sana sa gagawin ko ay maging masaya kayo para sa akin…” Sumingit si Nonoy “Magpapakasal na kami”

Ika-pitong Yugto

Halos mabitawan ni Menggai ang tinidor na hawak. “Pero Ate pano na si Kabo?” galit na tanong ni Poy. “Poy, alam mo namang ayoko kay Kabo! Ikaw lang naman ang pinagsisiksikan siya sa akin.” Maagap na tugon ni Isay. “Poy sana naman maintindihan mo ako…nagmamahalan kami ng Kuya Nonoy mo” “Pero Ate – “ “Poy sinabi kong magpapakasal kami! Hindi mo na mababago ang pasya ko!” “Per-“ “POY! Tama na!...” Isang matagal na katahimikan ang nanaig… “Poy buntis ang Ate Isay mo –“ Anim na salitang bumasag sa nakabibinging katahimikan. Maya-maya pa ay sumagot si Poy “k-Kung yun talaga ang gusto mo Ate, hindi na kami tututol ni Menggai.” Napangiti si Isay at niyakap niya si Poy “Salamat Poy, alam kong maiintindihan mo ang ate.”

Samantala, sa labas ay humalo sa putik ang tsokoleyt keyk. Habang tinatapakan ng lalake ay napupuot. Ginago niyo kong lahat! Mga Tarantado kayo! Makikita niyo! Makikita niyo!

`Itutuloy MULI~

No comments:

Post a Comment

I am nowhere to be seen
but can be found in everything..
I cannot be heard
but forever remembered.