Sa aking mga anak, Wag kayong mabibigla kung ang mga susunod na araw ng aking pagka wala ay mapupuno ng mga bagay na hindi ninyo agad mauunawaan. Ang lahat ay may dahilan at sa tamang panahon ay inyo rin itong malalaman.
Napatda siya habang hawak ang sulat ng kanyang Ama. Hanggang ngayon ay hindi parin siya makapaniwala na iniwan sila nito, ngunit ang mas bumabagabag sa kanyang isipan ay ang pagaalalang nadarama para sa Ama. Noong kabataan nito ay hindi mapagkakaila ang pagiging matipuno at matikas ngunit ngayong lumipas na ang matanda ay hindi na sing lakas. Itinaas niya ang ulo at nilibot ng tingin ang silid ng matandang lumisan. Magulo pa ang higaan at ang mga damit ay bahagyang nakakalat. Marahil sa pagmamadali nito - ni hindi man lamang naubos ng matanda ang kanyang kape.
----------------------------------
Lumabas na si Abel sa barong-barong nang makita niyang paparating ang kapatid niyang si Baldo. "O, san ka nang galing?" wika niya rito. "Sa may pastulan lang kuya, nanguha ako ng dayami" sagot ni Baldo "`Ku ang sabihin mo'y naiwan mo nanaman si moira! Ilang beses ko bang sinabi sayo na bilangin ang mga tupa bago ka pumarito" Kakamot kamot ang pinagagalitang si Baldo.
Simple lang ang buhay ng pamilya Acacia. Ang pangangalaga sa ilang hayop ang pangunahing ikinabubuhay nila. Sampung Kambing, apat na manok at isang baka. Sapat lang para sa kanilang tatlong maganak. Lumaki silang ang kasama ay ang kanilang Ama, magmula bata pa lamang ay hindi na niya nakasama ang Ina. Kahit na tatlong taon ang tanda niya kay Baldo ay wala siyang maalala bago isilang ang kapatid. Hindi rin naman nila sinubok na itanong sa kanilang Ama ang pangalan ng Ina sa kadahilanang ayaw nitong pagusapan ang Ina. At ngayon, hindi niya alam kung paano sasabihin sa kapatid na nilisan sila ng Ama. Mas malapit si Baldo sa kanilang Ama, marahil dahil bunso ito. Siya kasi ang pilyo sa kanilang dalawa kaya lagi siyang nakagagalitan ng Ama.
-------------------------------
"Ang tatay kuya?"
"Umalis"
"San nagpunta?" lilinga linang tanong ni Baldo
"Umalis na."
"Pa-bayan?"
"Iniwan na tayo. O - basahin mo" iniabot ang sulat sa kapatid
Ilang minutong natulala si Baldo matapos basahin ang sulat. Hindi mawari ni Abel kung dapat ba siyang magsalita o dapat ay hayaan lamang ang kapatid.
"Nagugutom na ako kuya, nakaluto ka na ba?" tanong ni Baldo
Hindi niya alam kung maaawa o magagalit sa kapatid. Kung may isa sa kanilang labis na nagdurusa, si Baldo `yon. At alam niyang ang pagkukunwaring ito ay kabaliktaran ng sakit na nararamdaman ng kapatid.
--------------------------------
Mabilis na lumipas ang araw at kumagat ang dilim. Pinupuno ni Abel ang gasera ng langis para sa magdamag. Naalala niya noong bata-bata pa siya ay iniutos ito ng kanyang Ama sa kanya, naglalaro siya ng inukit na laruan at natabig ang garapon ng langis. Hindi siya nakatulog ng magdamag na iyon dahil sa pumupulsong puwitan niya. Naghahanda na rin si Baldo sa loob ng kubo, inilatag na nito ang banig at naririnig niyang humihimig. Pumanaog na siya at sinindihan ang gasera. Hindi pa man niya nahihipan ang posporong hawak ay may narinig siyang kumakatok sa kanilang pinto. Nagkatinginan ang dalawang magkapatid.
-------------------------------
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Marahil ay nililinlang lang siya ng kanyang mga mata. Isang napakagandang dalaga ang nakatayo sa harap niya. Puting puti ang kasuotan nito at halos kumikinang sa kadiliman ng gabi.
"Abel?" tunog ng maliliit na kampana ang narinig ni Abel. Ilang segundo bago niya matanto na ang pangalan niya ang sinambit ng dalaga. "Sino ka?" Tanong ng pupunga pungas nang si Baldo, ngunit ng nakita niya ang anyo ng dalaga ay siya ring natulala at napanganga sa pagkamangha. "Ako ito, si Maria... hindi mo na ba ako natatandaan?" may bahid ng pagtataka sa mukha ng dalagang si Maria. Gustuhin man niyang sabihin na natatandaan niya ang dalaga ay hindi niya magawa, pagkat ang katotohanan ay hindi niya ito matandaan. "Pasensya ka na, hindi kita matandaan.." Hiyang hiya siyang tumugon. "Ano bang sinasabi mo? nagkakagulo sa kaharian ngayon. Ang iyong ina, nawawala. Nasaan si Tata Simon?" Lahat ng bahid ng pagtataka ay nawala sa muka ni Abel. Sinabi ba ng babae ang kanyang ina ay nawawala? Matagal nang wala ang aking ina! Gusto niyang bulyawan ang babaeng nasa harap niya. At paano niya nalaman na nawawala ang kanyang Ama? Sinabihan ba siya nito? At bakit kilala sila ng babae?
------------------------------------
Para siyang nabuhusan ng malamig na tubig nang makapasok sila sa loob. Ang mga salitang sinasabi ng dalagang si Maria ay hindi niya mapagdugtong dugtong.
Kaharian. Ama. Ina. Nawawala.
No comments:
Post a Comment